Ang Mga Cazadores
ni Andres Bonifacio
Mga kasadores dito ay padala
Sanhi daw sa gulo’y lilipulin nila
Ngunit hindi laban yaong kinikita
Kundi ang mang-umit ng manok at baka.
Yaong mga bayang sa tahimik kanlong
Sa mga Kastila’y siyang hinahayon,
Ang bawat makita nilang nilalamon
Pinag-aagawan dahilan sa gutom.
Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit.
Sa mga babae na matatagpuan
Mga unang bati’y ang gawang mahalay;
Kamuntikan man lamang di nagpipitagan
Sa puring malinis na iniingatan.
At ang mga lakong kamatis [at] pakwan,
Milon, at iba pang pinamuhunanan
Walang nalabi sa pag-aagawan
Ng mga Kastila kung matatagpuan.
Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga’t wala nang pinalalampas.
Ngalang “cazadores” hindi nararapat
Kundi “sacadores” ang ukol itawag;
Bakit sa [tagaa’y] malayo at agwat
Mandi’y halataing matakaw at duwag.
***Ang ibig sabihin ng "cazadores" ay mangangaso o hunters.
Noong panahon ng Kastila dito sa Pilipinas, ang cazadores ay ang itinalagang tagapagpanatili ng kapayapaan at kaayusan. Sila'y tinutulungan ng mga guardia civil at mga pulis-bayan.
Ang "sacadores" naman ay mga mangingikil, taong ganid at mapagsamantala.