Tapunan ng Lingap
ni Andres Bonifacio
Sumandaling dinggin itong karaingan
Nagsisipag-inot magbangon ng bayan,
Malaong panahon na nahahandusay
Sa madlang pahirap sa Kastilang lalang.
Nangasaan ngayon, mga ginigiliw,
Ang tapang at dangal na dapat gugulin?
Sa isang matuwid na kilala natin
Ay huwag ang gawang pagtataksil.
At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi.
Aanhin ang yama’t mga kapurihang
Tanawin ng tao at wikang mainam
King mananatili ina nating Bayan
Sa Kastilang ganid, Kastilang sungayan?
Kaya nga halina, mga kaibigan,
Kami ay tulungang ibangon sa hukay
Ang inang nabulid sa kapighatian
Nang upang magkamit ng kaligayahan.
Mga kapatid ko’y iwaksi ang sindak
Sa mga balita ng Kastilang uslak;
Ugali ng isang sa tapang ay salat
Na kahit sa bibig tayo’y ginugulat.
At huwag matakot sa pakikibaka
Sa lahing berdugo na lahing Espanya;
Nangaririto na para mangga-g*g*,
Ang ating sarili ibig pang makuha.
Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At viva nang viva’y sila rin ang ubos.
Ay! Ang lingap mo po, nanunungong langit,
Diyos na poon ko’y huwag ipagkait
Sa mga anak mong napatatangkilik
Nang huwag lumbagos sa masamang hilig.
Kupkupin mo nama’t ituro ang landas
Ng katahimikan at magandang palad;
Sa pakikibaka’y tapunan ng lingap,
Kaluluwa naming nang di mapahamak.